WebClick Tracer

Negosyanteng si Jaime Cruz dapat ding imbestigahan ayon sa Malacañang

Si negosyanteng Jaime Cruz na iniimbestigahan umano kaugnay ng mga kontrata sa Davao City at pamilya Duterte.

Dapat imbestigahan upang malaman ng taongbayan kung ano ang koneksiyon ng negosyanteng si Jaime Cruz sa pamilya Duterte na nakakuha ng maraming kontrata sa Davao City sa pamamagitan ng kumpanyang GenCorp, kung saan kasosyo din umano si Vice President Sara Duterte.

Si Cruz ay kaibigan umano ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at naging special envoy nito sa China noong panahon ng kanyang administrasyon.

Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, hindi dapat hayaan o palampasin kung may pagkakataon na ang isang pribadong tao ay sangkot umano sa korapsiyon o pakikisabwatan para makakuha ng pondo ng bayan kaya dapat na imbestigahan ito.

Sinabi ni Castro na kung talagang kaibigan ng mga Duterte si Cruz, mas maganda aniyang mabusisi kung bakit sinabi ni Mayor Baste na hindi nila nalaman na ang GenCorp ay pag-aari ng kanyang naging kasosyo sa ibang mga kumpanya.

Ang pangalan ni Cruz ay paulit-ulit na lumutang sa impeachment hearing ni VP Sara at tinitingnan na umano ng ilang prosecutor sa impeachment trial kung nalabag ng negosyante ang anti-dummy law at kung ano talaga ang kaugnayan nito sa mga Duterte. (Aileen Taliping)