WebClick Tracer

Naharang na ilegal na droga ng BOC umabot na sa P4.39B – Nepomuceno

Umabot na sa 336 operasyon ang isinagawa ng Bureau of Customs (BOC) katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) laban sa ilegal na droga, ayon kay Customs Commissioner Ariel Nepomuceno.

Sa panayam sa programang “The Commanders” ng Abante, simulcast sa Bilyonaryo News Channel, sinabi ni Nepomuceno na ang PDEA ang pangunahing ahensya na responsable pagdating sa ilegal na droga.

“Ang kabuuang halaga ng illegal drugs na iwasan natin makapasok na huli natin na makapasok sa bansa ay hindi bababa sa P4.3 billion… P4.39 billion, malaki na ’yon,” ani Nepomuceno.

Aniya, patuloy na gumagawa ng iba’t ibang paraan ang mga sindikato upang maitago at maipasok sa bansa ang ilegal na droga dahil malaki ang kanilang kikitain. Gayunman, nahuhuli na umano ang mga ito ng mga awtoridad.

“Yung mga sindikato, they are being encouraged with the huge profits that they will gain from the distribution of illegal drugs. Kaya patuloy ‘yan, ang illegal drugs, ang industriya niyan, hindi naman ‘yan partikular lang sa Pilipinas. Buong mundo ‘yan. This is the reason why we have to cooperate with our counterparts abroad,” dagdag niya.

Kabilang aniya sa ginagamit ng BOC ang scanning at X-ray machines sa mga paliparan at pantalan upang matukoy ang mga drogang nakatago sa iba’t ibang uri ng kargamento, gayundin ang mga K-9 unit ng PDEA at mga intelligence.

“Ngayon, ‘yung bang dami nang nahuhuli, ibig sabihin nagkakaroon ng kapabayaan? Actually reverse, sumusubok sila nang sumusubok, lalo lang natin silang nahuhuli. Kung ako sa kanila, talagang itigil nila ‘yan. Dahil nahuhuli naman ‘yan, lalong-lalo na ‘yung mga drug mules,” sabi ni Nepomuceno.

Nagbabala rin siya sa mga pasaherong tumatanggap o nagdadala ng package para sa ibang tao nang hindi nalalaman ang laman nito. Aniya, hindi sapat na depensa ang pagsasabing hindi alam ng isang tao na may ilegal na droga sa kanyang package.

Panoorin ang buong panayam sa September 30 episode ng “The Commanders” ng Abante at simulcast sa Bilyonaryo News Channel.

Mapapanood ang programa tuwing Lunes hanggang Biyernes, alas-5 ng hapon, sa Free TV Ch. 31, Cignal Ch. 24, Samsung TV Plus, TCL Smart TVs, Blast TV, AmasianTV, Cignal Play at sa YouTube at Facebook accounts ng Abante. (AC)