WebClick Tracer

Muntinlupa mayor pinuna ‘di pagsipot ng barangay security bilang witness sa reklamo ng pamboboso

Si Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon habang tinutuligsa ang isyu ng hindi pagsipot ng barangay security witness.

Nais ni Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon na bigyang-linaw ng Barangay Putatan ang naging proseso nito sa pag-aksyon sa reklamo ng isang babaeng grocery store owner, na umano’y biktima ng pamboboso ng regular customer nitong isang estudyante.

Ayon kay Biazon, agad humingi ng tulong si “Ms. LP” sa satellite office ng barangay matapos matuklasan ang insidenteng nangyari sa isang tindahan sa Soldier Hills.

Isang barangay security personnel umano ang nag-check umano sa cellphone ng lalaking sangkot, ngunit ilang minuto na ang lumipas kaya nabura na umano ang mga video at larawan.

Dinala ang babae sa main office ng barangay kung saan, ayon sa kanyang salaysay, pinagharap sila ng lalaki para sa mediation.

Kalaunan, nagtungo siya sa Women and Children Protection Unit ng PNP-Muntinlupa upang pormal na magsampa ng reklamo.

Sa assessment umano ng piskal, mahalagang maiharap bilang witness ang barangay security personnel na unang nag-check sa cellphone.

Gayunman, sinabi ni Ms. LP na nahirapan siyang makontak ang witness at hindi na rin siya nabalikan ng barangay.

“Ito ang bahagi ng proseso na gusto nating mabigyang-linaw ng Barangay,” ani Biazon.

Nagpadala na umano ang City Government ng sulat sa Barangay Putatan para sa kinakailangang assistance ni Ms. LP, habang na-assist na rin siya ng SAGIP, ang 24-hour crisis center para sa mga kababaihan at bata.

Pagbibigay-diin naman ni Biazon, “Gusto kong maging malinaw: hindi natin kinukunsinti ang anumang uri ng pang-aabuso sa kababaihan sa Muntinlupa.”

“At hindi rin sapat na sabihing may proseso tayo. Responsibilidad nating tiyaking gumagana ang prosesong iyon para sa taong humihingi ng tulong,” dagdag niya. (AM)