WebClick Tracer

Mayor Baste iniligtas ang sarili sa pagharap sa impeachment court – Malacañang

Si Davao City Mayor Baste Duterte habang nagbibigay ng pahayag kaugnay ng impeachment court.

Iniligtas ni Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte ang sarili at nalaglag ang kapatid nitong si Vice President Sara Duterte nang humarap sa impeachment court noong Martes.

Ito ang pananaw ng Malacañang matapos ipinakita ng alkalde na wala siyang alam at hindi niya inalam kung may interes si VP Sara sa GenCorp na nakakuha ng maraming kontrata sa city government ng Davao.

Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, hindi nanghuhusga ang Malacañang pero ito ay batay lamang sa mga inihayag ni Mayor Baste sa Senate tribunal.

Sinabi ni Castro na magiging mapanganib para sa isang lingkod-bayan na hindi tinitingnan at inaalam ang pinipirmahang mga dokumento lalo na kung ilang taon na ito sa puwesto.

Mayroon aniyang pananagutan si Mayor Baste dahil ang isang pinuno ay hindi dapat sabihin walang alam o walang pakialam sa pinapasok na kontrata sa ilalim ng kanyang pangangasiwa.

Sa ginanap na pagdinig, lumitaw na nakakuha ang GenCorp ng 19 na kontrata sa Davao City LGU, 15 dito ay hindi umano dumaan sa public bidding. (Aileen Taliping)