Nagbabala ang transport group na Manibela na maaari silang muling magkasa ng tigil-pasada kung mabibigo ang gobyerno na tugunan ang kanilang mga hinaing.
Ito ay sa kabila ng pagtugon ni Manibela Chairman Mar Valbuena sa hiling ni First Lady Liza Araneta-Marcos na huwag nang magsagawa ng transport strike, kasabay ng pangunguna nito sa rice distribution program ng pamahalaan para sa mga transport worker noong Martes.
Sa panayam sa programang “At the Forefront” ng Bilyonaryo News Channel, sinabi ni Valbuena na hindi nila inaasahan ang pagdating ng First Lady.
Gayunman, patuloy aniya ang kanilang pagtutulak para sa tapyas sa presyo ng mga produktong petrolyo at pagtanggal ng excise tax sa langis.
“Umaasa tayo na magkakaroon ito ng positibong tugon ang Malacañang dahil kung hindi, hindi natatapos ang ating mga protesta at mga tigil-pasada. Hindi po natatapos ang ating adbokasiya. Nagkataon po na siyempre, nakiusap ang ating First Lady, sino ba naman kami para hindi tumugon?” ani Valbuena.
Nilinaw rin niyang isang araw lamang ang kanselasyon ng kanilang tigil-pasada bilang tugon sa hiling ng First Lady.
“Kaya bilang isang complimentary gesture, napasagot ako na, ‘Hindi na po kami magi-strike.’ Parang pinagalitan kasi ako na bata kaya po napayakap tayo at napasabi ng ‘I love you’… wala po kaming kulay politika, ngayon ko lang po siya nakita nang personal,” dagdag niya.
“Alangan naman bastusin namin ang ating Pangulo, ang ating First Lady. Kahit po mga driver lang ang tingin nila sa amin, propesyonal naman po tayo na sa ganitong mga pagkakataon, isinasantabi natin ‘yan. Pero ‘yung panawagan at pakikipaglaban natin ay nananatili,” sabi pa ni Valbuena.
Panoorin ang buong panayam sa September 30 episode ng “At the Forefront” ng Bilyonaryo News Channel.
Mapapanood ang programa tuwing Lunes hanggang Biyernes, alas-10:30 ng umaga, sa Free TV Ch. 31, Cignal Ch. 24, Samsung TV Plus, TCL Smart TVs, Blast TV, AmasianTV, Cignal Play, BNC YouTube at Facebook. (AC)


