Humirit si First Lady Liza Araneta-Marcos kay Manibela Chairman Mar Valbuena na huwag na itong magsagawa ng transport strike.
Sa viral video ng Bilyonaryo News Channel na kuha ni reporter Ched Gatchalian, mapapanood na nagkita at nakipagkamay si Valbuena kay Araneta-Marcos.
Ito ay nang pangunahan ng First Lady ang “Mula sa Puso Para sa Pamilya” program, o ang rice distribution program ng pamahalaan para sa mga transport worker noong Setyembre 29.
Hirit ni Araneta-Marcos kay Valbuena, “’Wag ka na mag-strike.”
“Ay, hindi na po. I love you,” saad naman ng Manibela chairman at sinagot naman ng Unang Ginang ng “I love you, too.”
Makikita pa si Valbuena na ipinakita pa ang “BBM” symbol sa kanyang kamay at dibdib.
Matatandaang nakatakda sanang magsagawa ng tatlong araw na transport strike ang Manibela ngunit nagtagal lamang ng isang araw noong Setyembre 28, para umano magkaroon ng pormal na pakikipag-usap sa Land Transportation Office (LTO). (AM)


