Lumakas bilang tropical depression ang isang low pressure area (LPA) na mino-monitor sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR), ayon sa PAGASA.
Batay sa forecast ng PAGASA nitong Miyerkoles, huling namataan ang tropical depression sa layong 3,315 kilometro silangan ng Central Luzon.
Taglay nito ang lakas ng hangin na 45 kph at pagbugsong hanggang 55 kph, habang kumikilos pa-kanluran-timog-kanluran sa bilis na 10 kph.
Samantala, magdadala ang Intertropical Convergence Zone (ITCZ) ng kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Palawan, Negros Island Region, Zamboanga Peninsula, Visayas at Mindanao.
Sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon, inaasahan ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan, na may mga isolated rain showers o thunderstorms dahil sa localized thunderstorms. (AM)


