Pinagtibay ng Kamara de Representantes ang committee report sa panukalang magtatatag ng national specialty center para sa geriatric care na pangangasiwaan ng Department of Health (DOH).
Sa ilalim ng panukala, tatawaging Philippine Geriatric Center ang naturang center na magbibigay ng komprehensibong serbisyong pangkalusugan para sa mga geriatric patient, kabilang ang medical, diagnostic, rehabilitative, at wellness care na idinisenyo para sa mga nakatatanda at aging population.
Inaasahan na magkakaroon ito ng mga state-of-the-art equipment at mga pasilidad na susuportahan ng mga health worker na may sapat na pagsasanay at kakayahan.
Sa ilalim ng panukala, itatayo ang Center sa loob ng lima hanggang pitong taon mula sa pagiging epektibo ng panukala.
Sa necrological service para sa yumaong Batanes Rep. Ciriaco Gato Jr., nangako si Speaker Faustino Dy III na itutulak ang pagpasa ng panukala. Si Gato, na dating chairperson ng House Committee on Health, na nanguna sa pagsusulong ng naturang panukalang batas.
“Ipagpapatuloy ng Kongreso ang inyong sinimulan at pinasa natin sa 20th Congress: ang panukalang maitatag ang Dr. Eva Macaraeg-Macapagal National Center of Geriatric Health and Research Institute (DEMM-NCGHRI), an institution that will provide specialized healthcare for the senior citizens of our country,” sabi ni Dy sa necrological service.
“Titiyakin natin na kapag naitatag ang DEMM-NCGHRI, maibibigay nito ang pangangailangang pangkalusugan at nararapat sa ating mga senior citizens,” dagdag pa ng lider ng Kamara.
Kasunod ng pagpapatibay sa panukala, ipapadala ito sa Malacañang para sa lagda ng Pangulo. (Billy Begas)


