May birong banat si Senador Ping Lacson kay Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante matapos kanselahin ng Senado ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte ngayong Miyerkoles, Setyembre 30.
Sa kanyang X post, ibinahagi ni Lacson ang viral na larawan ni Abante nang dumalo bilang tagapakinig sa impeachment court.
“Impeachment trial cancelled today. Saan kaya matutulog ito?” saad ng senador. “Kawawa naman.”
Matatandaang dalawang araw nang pinag-uusapan sa social media si Abante matapos siyang ma-huli cam na umano’y natutulog.
Noong Lunes, Setyembre 28, ipinaliwanag ni Abante na madaling-araw siya nakatulog kaya inantok sa mga pagdinig.
“Alas-2 na ko natulog kaninang umaga, kaya medyo nakatulog na ako… Aantukin ka talaga sa mga tanong ng defense lawyers,” aniya.
Kinabukasan, Martes, Setyembre 29, muling naging viral si Abante matapos niyang itanggi na natutulog siya at sinabing nakayuko lamang.
“Hindi ako tulog. Nakayuko ako… Wala pang 5 minutes ’yun,” depensa ng mambabatas.
Samantala, ipagpapatuloy naman ang paglilitis sa Huwebes, Oktubre 1, ng alas-10 ng umaga. (AM)



