Inaasahan umanong hahaba ang paglilitis sa Article 2 o unexplained wealth at paglabag sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) laban kay Vice President Sara Duterte dahil sa ruling impeachment court na hindi puwedeng pilitin ang respondent, sa pamamagitan ng kanyang defense team, na kilalanin at tanggapin ang mga bank record na isinumite ng mga bangko.
Ayon kay prosecution spokesman at adviser Robert Ace Barbers, bagama’t wala umanong epekto ang ruling ng impeachment court sa kanilang kaso dahil matutuloy pa rin ang pagbubukas sa mga bank records, maliban laman sa tatagal ito.
“Matutuloy pa rin ’yan, no, pero dahil nga voluminous yung records diya medyo hahaba tayo, kaya nga ang pakiusap sana ng prosecution, pinupursue natin na sana pumayag ang defense na mag-stipulate na lang, para ‘yung mga non-issue tungkol dito sa ebidensyang ito ay hindi na pag-usapan. Otherwise, iisa-isahin ito,” ani Barbers.
Unang hiniling ng prosecution na kilalan at animin ng respondent sa pamamagitan ng kaniyang defense team ang bank accounts ng pangalawang pangulo upang mabawasan ang kanilang testigo na ihaharap sa impeachment trial.
Gayunpaman, tinutulan ito ng depensa na kinatigan ng Impeachment court dahil malalabag umano ng constitutional rights to self-incrimination ng respondent kaya walang opsyon umano ang prosecution kundi isa-isahing ipa-authenticate sa mga bank officials ang mga bank accounts ng pangalawang pangulo at mister nitong si Atty. Manases Carpio.
“Can you imagine 100–100 pages? Ang susuri ay prosecution, and then pagkatapos, ang defense, ’di ba?” ayon pa kay Barbers kaya kakain aniya ito ng mahabang oras kaya tatagal ang paglilitis sa kasong ito.
“So there are naman items there… kasi ito namang records na ‘to, hindi naman ‘to galing sa prosecution, eh, ‘di ba, ito’y records galing sa BIR, ito’y galing sa bangko, at I’m sure yung bangko naman ay hindi naman magsa-submit ng spurious na mga dokumento,” dagdag pa ni Barbers.
Nitong Miyerkules ay sinuspendi ang impeachment trial para bigyan ng sapat na panahon depensa at prosecution para sa pagmamarka sa 1,800 bank, insurance at iba pang financial documents. (Bernard Taguinod)


