WebClick Tracer

IGNITE Power bukas sa anti-dilution safeguard sa SOCOTECO II JV

Bukas ang IGNITE Power and Energy Holdings Inc. sa paglalagay ng anti-dilution provision sa planong joint venture nito sa South Cotabato II Electric Cooperative Inc. (SOCOTECO II).

Sinuportahan nito ang rekomendasyon ng General Santos City Chamber of Commerce and Industry Inc. (Gensan Chamber) na protektahan ang pagmamay-ari at karapatan sa pagboto ng kooperatiba.

Sinabi ni Roel Castro, ang presidente at CEO ng Primelectric Holdings na nagsasalita para sa IGNITE Power, na bukas ang kompanya sa panawagan ng chamber na panatilihin ang equity, board representation at mga karapatan sa pagboto ng SOCOTECO II sa proposed partnership.

“We have heard and are open to the statement of the Gensan Chamber calling for the inclusion of an anti-dilution provision in the corporate structure of the proposed joint venture,” pahayag ni Castro.

Dagdag niya, kinikilala nila ang pangangailangan na protektahan ang mga interes sa pagmamay-ari ng SOCOTECO II, habang binibigyang-daan ang joint venture na itaguyod ang modernisasyon at mga pamumuhunan sa imprastruktura na kinakailangan upang mapabuti ang mga serbisyo ng pamamahagi ng kuryente sa General Santos City, South Cotabato at Sarangani.

Ani Castro, bukas ang IGNITE Power na ilagay ang mga angkop na pananggalang o safeguards sa Articles of Incorporation at By-Laws ng joint venture company, alinsunod sa mga naaangkop na batas sa korporasyon ng Pilipinas.

Sa position paper nito tungkol sa panukalang conditional joint venture agreement (CJVA), hiniling ng Gensan Chamber na magkaroon ng mga pananggalang para mapanatili ang 30% bahagi ng SOCOTECO II, puwesto nito sa board of directors at karapatan nitong bumoto sa joint venture company.

Inirekomenda nito na ang mga bagong ilalabas na puhunan sa hinaharap ay gawing preferred shares na walang voting rights at hindi maaaring gawing ordinary shares, para hindi lumiit ang pagmamay-ari at kapangyarihan ng kooperatiba sa pamamahal

Iminungkahi nito na ang mga susunod na pagpasok ng pondo o kapital ay gawin sa pamamagitan ng mga non-voting, non-convertible preferred shares upang maiwasan ang paghina o pagbabawas ng mga karapatan sa pagmamay-ari at pamamahala ng kooperatiba.

Ang iminungkahing mekanismo ang magbibigay-daan sa joint venture na makakalap ng karagdagang kapital nang hindi binabawasan ang proportional ownership at mga karapatan sa pagboto ng SOCOTECO II.

Nanawagan din ang chamber para sa mga probisyon na nag-aatas ng pahintulot ng kooperatiba para sa pagpapalabas ng mga bagong voting common share o mga pagbabago sa capital structure ng kompanya.

Ang pahayag ng IGNITE Power ay lumabas habang isinasagawa ang apat na linggong plebisito para sa iminungkahing CJVA, na tinanggap ng board of directors ng SOCOTECO II ng taong ito at pinagtibay ng member-consumer-owners sa kanilang taunang general membership assembly.

Layunin ng proposed partnership na imodernisa ang distribution infrastructure ng SOCOTECO II at paunlarin ang mga serbisyo ng kuryente sa General Santos City, South Cotabato at Sarangani.