Tinanggihan ng International Criminal Court (ICC) ang hiling ng defense team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na obligahin ang prosecution na maglakip ng expert verification reports sa mga open-source at user-generated evidence sa kanyang kaso.
Ayon sa desisyon ng Trial Chamber III noong Setyembre 28, maaaring magdulot lamang ito ng hindi kinakailangang pagkaantala sa pagsisimula ng paglilitis dahil napakarami nang ebidensyang isinumite ng prosecution.
Iginiit ng depensa na marami sa mga ebidensya ay duplicate o mababa ang kalidad at maaaring maglaman ng hindi maaasahan o walang kaugnayang materyal.
Gayunman, sinabi ng ICC na may umiiral nang proseso kung saan maaaring kuwestyunin ng depensa ang admissibility ng bawat ebidensya, at saka maaaring humingi ang prosecution ng expert verification kung kinakailangan.
Nauna nang inutusan ng ICC ang magkabilang panig na iwasan ang “wholesale dumping” ng ebidensya at piliin ang pinakamahahalagang materyal kapag maraming dokumento ang nagpapatunay sa parehong impormasyon.
Matatandaang nahaharap si Duterte sa mga alegasyon ng crimes against humanity kaugnay ng mga pagpatay na iniuugnay sa kanyang war on drugs campaign. (AM)


