WebClick Tracer

Hindi puwedeng werpa lang ang gusto pero ayaw ng responsibilidad – Ortega

House Deputy Speaker Paolo Ortega V habang nagbibigay ng pahayag kaugnay sa kontrobersya ng GenCorp contracts sa Davao City.

Iginiit ni House Deputy Speaker at La Union Rep. Paolo Ortega V na hindi maaaring ang gusto lamang ni Davao City Mayor Sebastian Duterte ay ang kapangyarihan bilang alkalde pero ayaw sa kaakibat na responsibilidad nito kapag nagkaproblema.

Ginawa ni Ortega ang pahayag matapos sabihin ni Mayor Duterte na ipinagkatiwala niya ang kanyang awtoridad sa pagpasok ng Davao City government sa mga kontrata sa mga pribadong kompanya, kabilang ang GenCorp Industries Inc., isang kumpanyang idineklara ni Vice President Sara Duterte na mayroon siyang business interests.

Sa press conference noong Martes, tinanong si Ortega tungkol sa pahayag ni Mayor Duterte na hindi siya pamilyar sa GenCorp at hindi niya alam na kabilang sa mga shareholder nito ang kanyang kapatid.

“Hindi ang porke ikaw na yung pinakamakapangyarihan, gusto mo yung power, yung control, pero pagdating naman sa korapsyon, wala kang alam. Hindi pwede yun,” sabi ni Ortega.

“Hindi puwedeng wala kang ideya, hindi puwedeng wala kang command responsibility. Mabigat ang responsibilidad mo kung ikaw ang may hawak ng kapangyarihan sa iyong nasasakupan. Kasama na dun pati yung mga irregularities na sinasabi. Hindi puwedeng pag may kontrobersya, may problema, may iregularidad at korapsyon ay wala kang alam,” dagdag pa nito.

Sa impeachment trial nitong Martes, ipinatawag ng prosekusyon si Mayor Duterte sa witness stand at tinanong tungkol sa mga kontrata ng GenCorp sa Davao City government.

Sinabi ni Mayor Duterte na ipinagkatiwala niya kay Assistant City Administrator for Administration Atty. Tristan Dwight Domingo ang kanyang awtoridad na lumagda sa mga kontrata sa kanyang ngalan ngunit kinilala na hindi nito naaalis ang kanyang pananagutan.

Sa nauna niyang pahayag, sinabi ni Mayor Duterte na masusing sinuri ang mga kontrata ng GenCorp. bagamat hindi nalaman na shareholder dito ang kanyang kapatid.

Gayunman, sa impeachment trial nitong Martes, sinabi ni Mayor Duterte na hindi niya alam kung paano nakasunod ang GenCorp sa requirement na ang isang supplier ay dapat nasa naturang line of business nang hindi bababa sa limang taon.

Itinatag lamang ang GenCorp noong 2020 at nakakuha ito ng mga kontrata mula sa Davao City government noong 2022.

Sinabi ni Mayor Duterte na maaari niyang tingnan ang rekord kung ang requirement ay pinagaan ng Bids and Awards Committee, kaya nakuha ng GenCorp ang mga kontrata. Ang mga miyembro ng BAC ay pinipili ng mayor.

Sinabi ni Mayor Duterte na nakakuha ang GenCorp ng 19 na kontrata mula sa Davao City government na nagkakahalaga ng P33 milyon. (Billy Begas)