WebClick Tracer

Hindi lang drivers, helpers: BOC pananagutin may-ari, protector ng smuggled goods

Hindi lamang consignee, driver o helper ang target ng Bureau of Customs (BOC) sa mga kasong may kaugnayan sa smuggling kundi maging ang mga may-ari at posibleng protektor ng mga ilegal na operasyon.

Ayon kay Customs Commissioner Ariel Nepomuceno sa panayam sa programang “The Commanders” ng Abante, simulcast sa Bilyonaryo News Channel, ang mga rehistradong may-ari, opisyal at broker ang mga unang isasama sa show cause order at kalaunan ay sa ihahaing kaso.

“Hindi titigil ang problema natin sa smuggling kung ang pananagutin lang natin, kakasuhan at maaaring makukulong, ’yun lang, driver, helper, hindi titigil ’yan,” ani Nepomuceno.

“Dapat panagutin natin hanggang may-ari. At kung kaya pa, based on testimonies, based on evidence, digital, kung may evidence tayo, pati protector nila,” dagdag niya.

Para mapalakas ang pagpapanagot sa mga sangkot, sinabi ng commissioner na nakipagkasundo ang BOC sa Department of Justice at National Bureau of Investigation para sa intelligence sharing, case build-up, paghahanda at pagsasampa ng mga kaso.

Layunin umano nito na mapatatag ang kaso laban sa mga sangkot at maiwasang ma-dismiss dahil sa kakulangan sa dokumentasyon o ebidensya.

Samantala, sinabi ni Nepomuceno na umabot na sa mahigit P84 bilyon ang halaga ng mga kontrabandong nahuli ng BOC. Mahigit 90 kaso na rin aniya ang inihain sa korte, habang mahigit 270 indibidwal na ang nakasuhan, kabilang ang mga importer, broker at tauhan ng BOC.

“Gagawin pa namin, ipagpapatuloy pa namin ang kampanya ng aming misyon na talagang dapat mas maging maayos na ang Bureau of Customs. At makakaasa po tayong lahat… kaunting pasensya pa lang dahil may proseso tayong sinusunod,” aniya pa.

Panoorin ang buong panayam sa September 30 episode ng “The Commanders” ng Abante at simulcast sa Bilyonaryo News Channel.

Mapapanood ang programa tuwing Lunes hanggang Biyernes, alas-5 ng hapon, sa Free TV Ch. 31, Cignal Ch. 24, Samsung TV Plus, TCL Smart TVs, Blast TV, AmasianTV, Cignal Play at sa YouTube at Facebook accounts ng Abante. (AC)