WebClick Tracer

Grab driver sinuspinde lisensiya matapos makipagtalo sa pasahero

Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) nang 90 araw ang lisensiya ng isang Grab driver matapos ireklamo dahil sa pakikipagtalo umano sa isang pasahero sa Makati City.

Ipinag-utos ni LTO Secretary Markus Lacanilao ang imbestigasyon sa driver na inisyuhan ng Show Cause Order kaugnay ng insidenteng nangyari noong Setyembre 22 sa Solstice Tower 1, Circuit.

Batay sa sinumpaang salaysay ng complainant, nagtalo umano sila ng driver nang malapit na sa drop-off point matapos tumanggi ang driver na pumasok sa entrance ramp ng gusali.

Iginiit umano ng driver na nasa main road ang naka-pin na drop-off point sa Grab application.

Ayon pa sa complainant, nauwi sa pagtatalo ang kanilang pag-uusap hanggang sa umatras ang driver pabalik sa main road at doon siya pinababa.

Nang makalabas umano siya ng sasakyan, lumapit ang driver sa kanya na tila nagtangkang manakit. Agad namang pumagitna ang isang security guard upang maiwasan ang pisikal na komprontasyon.

Dahil dito, inatasan ng LTO ang driver na humarap sa Intelligence and Investigation Division (IID) sa Oktubre 2 para sa pagdinig at pagkakataong maipaliwanag ang kanyang panig.

Maaari ring ideklarang Improper Person to Operate a Motor Vehicle ang driver kung mapapatunayang may paglabag, na maaaring maging batayan para sa pagsuspinde o pagbawi ng kanyang lisensiya.

Bukod sa 90-araw na preventive suspension, ipinasusuko rin ng LTO ang driver’s license ng driver at inilagay sa alarm status ang sasakyang sangkot sa insidente.

Inimbitahan din ng LTO ang complainant na dumalo sa clarificatory hearing at magsumite ng mga dokumentong makatutulong sa imbestigasyon.

Ayon kay Lacanilao, may kaakibat na malaking responsibilidad ang pagiging public utility driver dahil ipinagkakatiwala sa kanila hindi lamang ang sasakyan kundi pati kaligtasan at kapakanan ng mga pasahero.

“Responsibilidad mong kontrolin ang iyong emosyon at panatilihin ang respeto sa pasahero,” ani Lacanilao. (IS)