WebClick Tracer

Fr. Flavie: May malalim na ugnayan si Gracioso sa mga Velasco

Naniniwala si Program Paghilom founder Fr. Flavie Villanueva na may malalim na ugnayan sa pamilya Velasco ang dating pulis na si Rodulfo Gracioso Jr.

Sa panayam sa “On Point” ng Bilyonaryo News Channel, sinabi ni Villanueva na ito ang nag-udyok sa kanya para i-refer niya si Gracioso sa mga awtoridad upang mas malalim na maimbestigahan ang mga alegasyon na inilahad nito sa kanyang affidavit.

Dagdag niya, bago niya ipinasa sa mga awtoridad si Gracioso, nakumbinsi muna siyang hindi gawa-gawa ang sinasabi nito at talagang magkakilala sina Gracioso at dating House Speaker Lord Allan Velasco.

Dahil dito, sinabi ng pari na nakita niya ang kanyang tungkulin bilang isang pastoral counselor na samahan si Gracioso sa kanyang pinagdaraanan.

Pero hindi aniya ito nangangahulugang naging santuwaryo ni Gracioso ang Program Paghilom dahil hindi naman niya ito kinupkop o pinatira.

Saad pa ni Villanueva, patuloy niyang sasamahan si Gracioso dahil nakita niyang may malalim itong ugnayan sa mga Velasco.

“I will continue to journey with him dahil nakita ko na meron siyang malalim na ugnayan sa mga Velasco. So nu’ng klaro na ‘yan, sabi ko, ibigay na natin sa NBI na siyang mas maggagawa ng mas malalim na investigation tungkol sa kanyang nais na ilahad na siya ‘yung nagde-deliver ng pera kay Sara Duterte,” aniya.

Panoorin ang buong panayam sa September 30 episode ng “On Point”.

Mapapanood ang programa tuwing Lunes hanggang Biyernes, 7:30 ng gabi sa Free TV: Channel 31, Cignal: Channel 24, Samsung TV Plus, TCL Smart TV, Cignal Play, at sa official YouTube and Facebook accounts ng BNC. (IS)