Nais ni Sen. Erwin Tulfo na magkaroon ng pangmatagalang tourism slogan ang Pilipinas at hindi ito palitan sa bawat pagbabago ng administrasyon.
Sa Senate Bill No. 2511 o Philippine Tourism Campaign Slogan Act na inihain ni Tulfo, nais niyang manatili ang official tourism brand ng bansa nang hindi bababa sa 15 taon.
Ayon kay Tulfo, ang madalas na pagpapalit ng tourism slogan ay maaaring magpahina sa pagkakakilanlan ng Pilipinas bilang tourist destination at pag-aaksaya rin ng pondong inilaan para sa mga campaign.
Ipinunto ng senador ang mga naging tourism slogan ng bansa gaya ng “Wow Philippines,” “It’s More Fun in the Philippines” at ang kasalukuyang “Love the Philippines.”
“Parang tayo lang ang bansa na paiba-iba bawat administrasyon. May love, may more love… wala tayong tatak,” ani Tulfo.
Inihalimbawa niya ang Malaysia na matagal nang ginagamit ang “Malaysia, Truly Asia” bilang tourism brand nito.
Sa ilalim ng kanyang panukalang batas, inaatasan ang Department of Tourism na magtakda ng official tourism slogan na gagamitin nang hindi bababa sa 15 taon.
“Habang naiintindihan natin na may mga ginagawang pagbabago para maipakita ang layunin ng nagbabagong panahon, ‘yung pagbabago-bago na iyan ay nagsasayang doon sa nabuong identidad, pagkalito, at pera ng bayan na inilaan para sa branding,” saad pa ni Tulfo.
Samantala, sinuportahan ni Tourism Secretary Dita Angara-Mathay ang ideya na gawing permanente ang national tourism brand.
Sinabi rin niyang plano ng DOT na panatilihin ang “Love the Philippines.” (IS)


