Hinimok ng Makabayan bloc sa pamamagitan ni Gabriela party-list Rep. Sarah Elago ang taumbayan na samahan ang mga ito sa pagkuwestiyon sa constitutionality ng Local Government Support Fund (LGSF) na itinuturing na pork barrel umano ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa panayam kay Elago, pinag-aaralan na ng mga ito na dalhi sa Korte Suprema ang LGSF sa sandaling maipasa na ang pambansang pondo subalit dapat aniyang sumama ang taumbayan sa krusadang ito dahil pera ng mga ito ang pinag-uusapang pondo na tanging si Marcos ang magdedesisyon kung saan gagamitin.
“Sa tingin ko hindi sapat na kami lang na mga reps (representatives) yung mag-challenge dito. Dapat yung taongbayan mismo na hindi lang sumusubaybay, talagang nagbabantay sa katiwalian,” ani Elago.
Ang LGSF ay nilaanan ng P58 bilyong pondo sa susunod na taon na mas malaki kumpara sa P57 bilyong ngayong 2026 at P27 bilyon noong 2025.
Gayunpaman, hindi nakadetalye kung saan gagamitin ang pondong ito dahil ipinaubaya lamang umano ng Kongreso kay Marcos ang desisyon kung anong proyekto ito gagamitin at sinong mga local government units (LGUs) ang bibigyan.
“Sum at discretionary ‘yan na dapat lang pag-aralan na ma-challenges ang constitutionality nyan. Dapat isawan na natin yung mga ganyang pondo,” ani Elago.
Naniniwala ng mambabatas na mas malakas ang magiging laban kapag ang taumbayan na ang kukuwestiyon sa nasabing pondo na palaki ng palaki aniya subalit hindi binubusisi ng Kongreso kung saan ginagamit.
Unang sinabi ni Caloocan City Rep. Edgar Erice na naghahanda na ito para kuwestiyunin ang pondong ito sa Korte Suprema sa sandaling pirmahan ng pangulo ang pambansang pondo para sa taong 2027. (Bernard Taguinod)


