WebClick Tracer

De Lima: Tuloy paglilitis kay Sara matapos ibasura petisyon vs voting threshold

Nawala ang balakid sa paglilitis at pagpapanagot kay Vice President Sara Duterte sa pagbasura ng Korte Suprema sa petisyon ng mga supporter nito laban sa desisyon ng impeachment court sa voting threshold.

Ito ang idineklara ni prosecutor at Mamamayang Liberal (ML) party-list Rep. Leila de Lima kasunod ng pagdismis ng Korte Suprema tatlong petisyon laban sa voting threshold kung saan maging ang hinihinging temporary restraining order (TRO) ay hindi pinagbigyan.

“Tuloy ang paglilitis! Tuloy ang laban para sa pananagutan,” ani De Lima.

“Tuloy ang pagtutok ng Prosecution, hindi sa numero na pagbabasehan ng boto, kundi sa paglalatag ng matitibay na ebidensya para mangibabaw ang katotohanan,” dagdag pa ng mambabatas.

Ikinatuwa naman ni prosecution spokesman at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong ang pagbasura ng SC sa mga petisyon laban sa voting threshold dahil sa technical ground tulad ng prematurity at lack of legal standing.

“We welcome the ruling. It allows the trial to proceed without delay and keeps the focus where it belongs—on the evidence already before the Senate Impeachment Court,” ani Adiong.

Sa ngayon ay nakasalang sa paglilitis ang article 2 o unexplained wealth at Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN) violations laban sa pangalawang pangulo. (Bernard Taguinod)