Mala-wedding vows na ang isang appreciation post na shinare ni Cristine Reyes sa kanyang social media tungkol sa aniya’y dalawang tao na may hawak sa kanyang puso. Ito ay ang anak niyang si Amarah, at ang kanyang fiancé na si Gio Tiongson.
“Gusto ko lang ipagmalaki sa inyo ‘yung dalawang taong may hawak ng aking puso,” panimulang mensahe ni Cristine sa kanyang post nitong Setyembre 30.
Sa naturang video ay kasama niyang namamasyal at ka-bonding sina Gio at Amarah. Sila nga raw ang tinutukoy niyang may hawak sa kanyang puso.
“Madalas kasi, sila ‘yung nagpapaubaya. Lalo na kapag may topak ako,” wika pa ng aktres.
Nag-uumapaw raw siya sa saya kapag kasama sina Gio at Amarah, na aniya pa’y ibinigay sa kanya ng Diyos.
“Ito ‘yung suwerte ko sa buhay. Ito ‘yung pinagdasal ko nang pagkatagal-tagal.
“Kaya hindi ko na ito palalampasin. Aalagaan ko ito. Iingatan ko ito. Mamahalin ko ito habambuhay,” madamdamin pang say ni Cristine.
Mayo ngayong taon naging engaged ang dalawa, kung saan naging videographer pa ang anak niyang babae.
Posibleng bago matapos ang taon, o sa first quarter ng 2027 tuluyan nang mag-iisang dibdib sina Cristine at Gio. (Jun Lopez)


