Iginiit ng transport group Manibela na “non-partisan” ang grupo matapos umani ng batikos mula sa publiko ang naging pagkikita nina Manibela chairman Mar Valbuena at First Lady Liza Araneta-Marcos.
Sa kanilang pahayag nitong Miyerkoles, binigyang-diin ng Manibela na hindi sila kumakampi o kumokontra sa alinmang political personality.
“We are not pro-BBM nor anti-BBM. We are not pro-Duterte nor anti-Duterte,” saad ng grupo. “We stand as a non partisan organization. We do not support or oppose any political personality simply because of their names or political affiliations.”
Sinabi rin nitong nakabatay sila sa mga isyung kinahaharap ng mga Pilipino, partikular ng mga manggagawa sa pampublikong transportasyon, ang kanilang mga posisyon bilang lehitimong transport group.
“Hindi kulay po ang ipinaglalaban namin kundi kabuhayan, karapatan, at kapakanan ng mga Pilipino,” anila.
“We are not calling for the downfall of the government.Suportado po namin ang tamang layunin ng gobyerno para sa bawat Pilipino,” dagdag pa ng Manibela.
Samantala, hindi naman natigil ang mga netizen sa kanilang pagpuna sa Manibela dahil sa hirit ni Araneta-Marcos na huwag na itong magsagawa ng transport strike, na sinagot ni Valbuena na “Ay, hindi na po. I love you.”
Makikita pa si Valbuena na ipinakita pa ang “BBM” symbol sa kanyang kamay at dibdib, na mistulang lalong nagpainit sa ulo ng publiko.
Sumabay pa rito ang hirit ng Manibela sa mga Facebook post kung saan sinasabi nitong “nakuha ang inis” ng mga tao.
Komento ng isang netizen, “Ang bilis ng U-turn nyo boss. Mukhang may VIP na sumakay.” (AM)


