WebClick Tracer

Baste Duterte pinuri sa pagsunod sa subpoena ng impeachment court

Pinuri ni dating Corona impeachment trial defense lawyer Atty. Tranquil Salvador III si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte sa pagsunod nito sa subpoena ng Senate impeachment court at pagharap bilang testigo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Sa programang “On Point” ng Bilyonaryo News Channel, sinabi ni Salvador na ipinakita ni Mayor Baste ang paggalang sa legal na proseso nang tumalima ito sa subpoena at dumalo sa pagdinig.

Magandang halimbawa umano ito para sa mga kabataan dahil bilang isang public officer, mahalagang ipinapakita na sinusunod ang proseso kapag nakatanggap ng compulsory process gaya ng subpoena.

“Magandang pinakita niya iyon. Because as a public officer, siyempre ehemplo siya. So, nakatanggap siya ng compulsory process. Ang tawag po sa subpoena ay compulsory process. At siya po ay sumunod dito. Magandang example na pinakita sa atin, especially sa mga kabataan, na ‘pag nakatanggap ka nito ay dapat mong sundin. Ayon po iyon,” pahayag niya.

Samantala, hindi naman hinusgahan ni Salvador kung tama o mali ang naging hakbang ng prosecution sa pagtawag kay Mayor Baste bilang testigo.

Ipinaliwanag niya na tinawag si Mayor Baste bilang hostile witness dahil hindi ito itinuturing na testigo ng prosecution at posibleng may interes na taliwas sa kanilang panig.

Gayunman, sinabi ni Salvador na sa naging pagtestigo ni Mayor Baste, nasagot nito ang mga tanong tungkol sa procurement, kabilang ang bidding, Bids and Awards Committee at mga kontratang pinasok ng lokal na pamahalaan.

Aniya pa, “He was able to answer. In fact, wala siyang iniwasan na tanong.”

Panoorin ang buong panayam sa September 29 episode ng “On Point”.

Mapapanood ang programa tuwing Lunes hanggang Biyernes, 7:30 ng gabi sa Free TV: Channel 31, Cignal: Channel 24, Samsung TV Plus, TCL Smart TV, Cignal Play, at sa official YouTube and Facebook accounts ng BNC. (IS)