WebClick Tracer

American national arestado kasunod ng gulo sa mall sa Pampanga

Bureau of Immigration logo and holding facility where the American national involved in the Pampanga mall incident is detained.

Arestado ang isang 69-anyos na American national kasunod ng umano’y gulo sa isang mall sa Angeles City, Pampanga, ayon sa Bureau of Immigration (BI) nitong Miyerkoles.

Kinilala ang dayuhan na si Patrick Ndukwuegbulam Obison, na inaresto alinsunod sa mission order na inisyu noong Setyembre 24.

Ayon sa BI, sinasabing nagpakita ang dayuhan ng abusive, racist at derogatory behavior laban sa mga Pilipino. Napaulat na hinarass umano niya ang isang Pilipino at tinawag na “animal” ang isang babae sa pampublikong lugar.

Nahaharap si Obison sa deportation proceedings dahil sa undesirability sa ilalim ng Section 3 ng Operations Order No. SBM-2014-048.

Sinampahan din umano siya ng immigration charges dahil sa pagdudulot ng kaguluhan sa isang commercial establishment, paggambala sa kapayapaan at pagha-harass sa mga lokal na residente.

Nalaman din ng BI na hindi umano nito naabisuhan ang ahensya tungkol sa pagbabago ng kanyang rehistradong address, na paglabag sa Alien Registration Act of 1950.

Dinala si Obison sa BI Warden’s Facility sa Bicutan, Taguig City, kung saan mananatili siya habang dinidinig ang kanyang kaso.

Pinaalalahanan naman ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang mga dayuhan sa bansa na igalang ang mga Pilipino, sumunod sa batas at panatilihin ang maayos na pakikitungo sa mga lokal na komunidad. (AC)