Isang 78-anyos na tsuper ang isinugod sa ospital matapos umanong atakihin sa puso habang nakikiisa sa kilos-protesta ng transport group na Piston nitong Martes.
Ayon sa Piston, inatake sa puso si Tatay Elmer habang nasa strike center sa Monumento. Agad umano siyang isinugod sa Caloocan City Medical Center at nananatiling walang malay.
“Sa kabila ng kanyang edad at mahinang pangangatawan, pinili ni Tatay Elmer na pamunuan ang laban ng mga tsuper at komyuter laban sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis,” ayon sa Piston sa isang Facebook post.
Kabilang si Tatay Elmer sa anim na miyembro ng Piston, na kilala bilang Piston 6, na nadetine noong 2021 matapos magprotesta sa EDSA Monument laban sa pagkawala ng kanilang kabuhayan.
“Mula 2021 nang siya ay maaresto bilang Piston 6, halos araw-araw ay nangunguna si Tatay Elmer sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa kapwa tsuper,” dagdag ng Piston.
Nagkasa ng dalawang araw na nationwide strike ang Piston upang iprotesta ang pagtaas ng presyo ng gasolina at ipanawagan ang mga hakbang upang maibsan ang epekto nito sa mga tsuper at commuter. (AC)


