WebClick Tracer

Wanted na American national arestado sa Cebu

Arestado ang isang 62-anyos na American national na wanted sa Mississippi, US, sa Lapu-Lapu City, Cebu, ayon sa Bureau of Immigration (BI) nitong Martes.

Kinilala ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang suspek na si John Raymond Fenty, na inaresto noong Setyembre 24 sa Barangay Buaya ng mga tauhan ng BI Fugitive Search Unit (FSU).

Ayon sa FSU, isinagawa ang pag-aresto sa kahilingan ng gobyerno ng US sa pamamagitan ng US Embassy sa Maynila, na nagbigay-alam sa mga awtoridad ng Pilipinas tungkol sa presensya ni Fenty sa bansa.

Wanted umano si Fenty para humarap sa paglilitis sa isang justice court sa Kemper County, Mississippi, kaugnay ng kasong sexual battery laban sa isang mentally defective, mentally incapacitated o physically helpless na tao.

Huling dumating sa Pilipinas si Fenty bilang turista noong Hulyo 21, 2026, at kalaunan ay nag-apply ng extension ng kanyang authorized stay hanggang Nobyembre 18, 2026.

Ayon kay Viado, ide-deport si Fenty matapos mailabas ang kaukulang deportation order ng BI Board of Commissioners.

Isasama rin siya sa blacklist ng ahensya at pagbabawalang muling makapasok sa Pilipinas dahil sa undesirability.

Pansamantalang dinala si Fenty sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Mandaue City bago ilipat sa BI Warden’s Facility sa Bicutan, Taguig City. (AC)