WebClick Tracer

Velasco, misis kasalukuyang nasa ibang bansa – NBI

Kasalukuyang nasa labas ng bansa sina dating House Speaker Lord Allan Velasco at kanyang misis, ayon kay National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag nitong Martes.

Ayon kay Matibag, kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) sa NBI na umalis ng bansa si Velasco patungong Nagoya, Japan noong Agosto 30.

“Supposed to be babalik po ng September 14, hindi po siya bumalik,” ani Matibag sa isang panayam sa radio.

Nagtungo aniya umano ang misis ni Velasco, kasama ang dalawang indibidwal, sa Hong Kong noong Setyembre 24.

“Ang sabi, based sa tanong ng immigration, ay babalik ng September 27 pero wala pa pong record ng balik sa ngayon po,” dagdag niya.

Ang pahayag ni Matibag ay kasunod ng pagharap ng dating security aide ni Velasco na si dismissed police officer Rodulfo Gracioso Jr. sa NBI noong Lunes kaugnay ng alegasyon nitong nag-deliver umano siya ng mga maletang may lamang pera kina Vice President Sara Duterte, dating Pangulong Rodrigo Duterte at Davao City Rep. Paolo Duterte, alinsunod sa utos ng dating Speaker.

Nauna nang itinanggi ni Velasco ang akusasyon ni Gracioso, habang sinabi rin ni VP Sara na hindi niya ito kilala at hindi nakatanggap ng pera mula rito. (AC)