WebClick Tracer

Trillanes sunod na isasalang ng prosekusyon sa witness stand

Isusunod ng House prosecution panel na isalang sa witness stand ng Senate impeachment court si dating Sen. Antonio Trillanes IV upang mapalakas ang kaso nito sa umano’y unexplained wealth ni Vice President Sara Duterte.

Sa impeachment trial nitong Martes, sinabi ni House prosecutor at Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon na nais ng prosecution panel na iharap si Trillanes bago ang mga Register of Deeds ng Davao City at Samal City at si Anti-Money Laundering Council Executive Director Atty. Ronel Benaventura.

Ipinunto ni Ridon na hindi na bago para sa depensa ang pagtestigo ni Trillanes na kasama sa pila ng mga ipatatawag nitong saksi.

“Mr. Trillanes has been submitted as part of the manifestation last Thursday. So it is something that is not a surprise,” sabi ni Ridon.

Una nang kinuwestiyon ng depensa ang pagbabago sa pagkakasunod-sunod, ngunit kalaunan ay binawi ang pagtutol at sinabing handa itong mag-cross-examine kay Trillanes.

Nagpahayag ng reserbasyon ang Presiding Officer na si Sen. Francis Escudero dahil ihaharap umano si Trillanes bago pa maiharap ang mga bank account na magsisilbing pundasyon ng kanyang testimonya.

Pinayuhan ni Escudero ang mga prosecutor na isaalang-alang na unahing iharap ang AMLC witness o ang mga bank records.

“The cart cannot be put ahead of the horse,” sabi ni Escudero.

Ipinaliwanag ni Ridon na nais sana ng mga prosecutor na maiharap nang mas maaga ang mga bank witness, ngunit nitong Martes lamang naglabas ang Senate impeachment court ng desisyon sa usapin ng kanilang request for admission sa mga bank records.

“We would have wanted to present the banks in the soonest time, but the matter relating to the admission has only been resolved today,” sabi ni Ridon.

Dahil dito, ang pinakamaagang makakahiling araw na maaaring humingi ng subpoenas ang prosekusyon para sa mga bank witness ay sa Biyernes pa.

Bagama’t hindi naglabas ang korte ng subpoena para kay Trillanes, nilinaw ni Escudero na hindi nito pinipigilan ang mga prosecutor na kusang tawagin siya bilang testigo.

“Nothing prevents—the court cannot prevent the prosecution from calling him as a witness voluntarily,” sabi ni Escudero.

Pumunta si Trillanes sa impeachment trial nitong Martes. (Billy Begas)