Mistulang palabas na lamang umano ang Budget Amendments Review Subcommittee (BARS) para palabasin na may repormang isinagawa sa pambansang pondo dahil bukod sa limitado ang mga miyembro ay kontrolado umano ito ng liderato ng Kamara.
Ito ang nabatid kay House Deputy Minority Leader at ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio kaugnay ng BARS na ilang beses nang inurong ang pulong at wala pang desisyon kung kailan ito itutuloy.
“In other words, kahit sinasabing, this is reform in the name of transparency, ay hindi talaga. Kontrolado, at pwede natin sabihin scripted na ang mangyayari dyan sa BARS,” pahayag ni Tinio sa panayam.
Ang BARS ay unang itinatag sa 2026 national budget na kapalit ng “small committee” na siyang nagdedesisyon sa pinal na bersyon ng pambansang pondo bago ito isalang sa ikalawa at ikatlong pagbasa, matapos kuwestiyonin ni Navotas Rep. Toby Tiangco.
Gayunpaman, sinabi ni Tinio na isang uri ng subcommittee ang BARS kung saan iilan lang ang magiging miyembro kabilang na ang tatlo mula sa minority bloc, at mga kinatawan ng mga political parties sa hanay ng minorya na pangungunahan ng chairperson ng House committee on appropriations na si Nueva Ecija Rep. Michaela Suansing.
Kinumpirma din ni Tinio na wala ding umanong iimbitahan mula sa civil social organization sa BARS kaya nangangamba umano ito na magkaroon ng panibagong insertions sa pambansang pondo sa susunod na taon.
“Definitely (nangangamba na magkaroon ng insertions). Inami na eh diba may P20 bilyon na na insertions sa DPWH budget ay papasok dito sa House.Paano pa mangyayari sa Senate and Bicam?
“Tapos, despite yun sabi may reporma na at transparency because of yun nangyari sa flood control, ang dami pa rin mga insertions na nangyari, ito ngang LGSF, ang LGU pork, ginawa yun sa Bicam. At kinuha ang pinakuanan ng pondo sa personnel benefits,” ayon pa kay Tinio. (Bernard Taguinod)


