WebClick Tracer

Small, medium enterprises makakatanggap ng P60 wage subsidy mula sa gobyerno

Malacañang at DOLE opisyal na nag-anunsyo ng P60 daily wage subsidy para sa mga small and medium enterprises

Magbibigay ang gobyerno ng P60 kada araw na wage subsidy sa mga small and medium enterprises (SMEs) na nahihirapang ipatupad ang bagong minimum wage increase, ayon sa Malacañang.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, nakatakdang maglunsad ng Sagip Trabaho Program ang Department of Labor and Employment (DOLE).

Layunin umano ng programa na maiwasan ang tanggalan ng empleyado at pagsasara ng maliliit na negosyo, kung saan tatagal ang ayuda ng tatlong buwan, saklaw ang Oktubre, Nobyembre at Disyembre

Para maging kwalipikado, kailangang magsumite ang mga negosyo ng Department of Trade and Industry (DTI) certificates, financial records, at listahan ng mga empleyado sa online portal o DOLE regional offices.

Samantala, maglalabas naman ang DOLE ng kabuuang guidelines para sa programa ngayong linggo.

Kasunod ito ng P60 daily minimum wage increase sa NCR, na nagdala sa minimum wage sa P755 para sa non-agricultural workers at P718 para sa agricultural at small retail establishments, na tinatayang makikinabang ang 1.1 milyong manggagawa. (AM)