WebClick Tracer

Senado kinalampag sa travel tax abolition

Dahil papalapit na ang holiday rush, kinalampag ni House Committee on Ways and Means Chairman at Marikina Rep. Miro Quimbo ang Senado para ipasa na ang panukalang batas na mag-aalis sa travel tax, na isa aniya sa nagpapabigat sa mga pasahero.

“Palapit na ang holiday rush at marami na sa ating mga kababayan ang nagpaplano ng kanilang biyahe. Kaya nananawagan tayo na mapabilis ang pagpasa ng panukalang naglalayong tanggalin ang travel tax upang mabawasan ang gastusin ng bawat pamilyang Pilipino,” ani Quimbo.

Ayon sa mambabatas, bahagi ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) ang travel tax abolition bills kaya umaasa ito na maipasa at maging batas bago sumapit ang buwan ng December.

Base sa ksaalukuyang batas, pinagbabayad ng P1,620 ang bawat pasahero sa economy class kaya kung apat na miyembro ng isang pamilya ang bibiyahe ay mababawasan ng P6,480 ang kailangang bayaran ng mga ito.

“Para sa isang pamilyang ilang buwan nang nag-iipon para makabisita sa kanilang mga kamag-anak o makapagbakasyon, mahalaga ang bawat pisong matitipid. Ang ₱1,620 na travel tax bawat pasahero ay malaking halaga na maaari nilang ilaan sa iba pang pangangailangan habang nasa biyahe,” ani Quimbo.

Dahil dito, iginiit ng mambabatas na dapat nang aprubahan ang nasabing panukala o House Bill (HB) 8464 o Travel Tax Abolition Act of 2026, na ipinasa na aniya ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa noong Marso 16, 2026.

Naintransmit aniya ang panukalang ito sa Senado kinabukasan subalit hanggang ngayon ay hindi pa inaaksyunan kaya ipinaalala niya ito sa mga senador lalo na’t pumasok na ang ‘ber’ month na hudyat ng holiday rush.

“Ang layunin natin ay mabawasan ang gastusin ng mga ordinaryong Pilipino, lalo na ngayong papalapit ang Pasko at bagong taon. Umaasa tayo na mabibigyan ito ng agarang aksyon upang mas maraming pamilya ang makinabang sa pagtanggal ng travel tax,” dagdag pa ni Quimbo. (Bernard Taguinod)