Nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa mas malakas na aksiyon ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) laban sa gender-based violence sa online platforms, partikular na sa sektor ng kababaihan sa harap ng patuloy na paglawak ng digital economy at connectivity.
Sa kanyang pagdalo sa 4th ASEAN Women Leaders’ Summit nitong Martes sa Mandaluyong City, sinabi ng Pangulo na kalimitang nakakaranas ng online harassment at pang-aabuso ang mga kababaihan at mga batang babae.
Hindi aniya maaaring magsalita ng “empowerment” habang nakakaranas ng pang-aabuso at harassment ang mga kababaihan sa online.
Sinabi ng Pangulo na suportado ng Pilipinas ang isinusulong na regional digital frameworks upang protektahan ang mga kababaihan at mga batang babae at masigurong ang online ay maging lugar ng oportunidad sa halip na lugar ng pang-aapi.
Nanawagan din si Pangulong Marcos Jr. ng mga konkretong polisiya para maisulong ng ASEAN ang liderato ng mga kababaihan para maging aksiyon, at partisipasyon ng mga kababaihan sa ekonomiya, kapayapaan, seguridad at inklusibong pag-unlad. (Aileen Taliping)


