Hindi bumenta sa prosecution team ang pahayag ni Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte na wala umano siyang alam tungkol sa GenCorps na nakakakuha ng 19 kontrata sa Davao City Hall na nagkakahalaga ng P33 milyon.
Sa press conference habang naka-recess ang ika-31 araw ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte, sinabi ni Deputy Speaker Paolo Ortega V na tungkulin ng lahat ng Mayor na alamin kung may katiwalian sa kanyang tanggapan.
“Well ang kapangyarihan no, ang kapangyarihan kasi, kung ano mang posisyon nya, hindi naman porke ikaw na ang pinakamakapangyarihan pero kung gustong gusto mo ang power, yung control pero pagdating sa corruption wala kang alam. Hindi naman puwede yun,” ani Ortega.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag dahil sa unang bahagi ng pagsalang ni Duterte bilang hostile witness ng prosecution team, sinabi ng Alkalde na hindi umano ito pamilyar sa GenCorps Industries Inc sa direct examination ni Atty. Ted Te sa kanya.
Ayon pa sa kapatid ng pangalawang pangulo, malaman lamang umano nito ang nasabing kompanya dahil sa impeachment trial subalit noong Setyembre 21, ay naglabas ito ng statement na nakakuha ng 19 kontrata ang nasabing kumpanya sa Davao City Hall na nagkakahalaga ng P33 milyon.
Gayunpaman, hindi pinaniwalaan ni Ortega ang pahayag na ito ni Duterte dahil idineligate niya ang trabaho sa bidding siya pa rin Head of the Procuring Entity o HOPE sa Davao City Hall.
“Dapat magkaakibat yun. Hindi pwede yung wala kang idea, hindi pwedeng wala kang (command responsibility. Mabigat ang responsibilidad mo kung ikaw ang may hawak ng kapangyarihan sa iyong nasasakupan,” ani Ortega.
“Kasama na dun pati irregularities na sinasabi. Hindi pwedeng pag may kontrobersya, may problema, iregularidad at corruption, ay wala kang alam. Malabo yun!,” dagdag pa ni Ortega.
Sinabi naman ni prosecution spokesman at adviser Robert Ace Barbers na bilang Mayor ay tungkulin ni Duterte na alamin kung sino ang mga may-ari ng mga kumpanyang nabibigyan ng kontrata sa Davao City Hall.
“Saka kung iisipin mo may conflict of interest dun. Sabi nila kanina pag may irregularities, nano-notify agad siya. Hindi ba irregularity ang conflict of interest, kapatid mo yung kasama sa korporasyong yun di ba?” dagdag pa ni Ortega. (Bernard Taguinod)


