Lalo umanong mababaon sa utang ang sambayanang Pilipino sa susunod na taon dahil malabo umanong makolekta ang target na P5.69 trilyong buwis, bunsod ng kalagayan ng ekonomiya ng bansa at mga buwis na maaaring mawala dahil sa iba’t ibang panukalang batas na nakabinbin sa Kongreso, tulad ng pagtataas ng tax exemption, pagtanggal sa travel tax at iba pa.
Ito ang ibinaba ni Caloocan City Rep. Edgar Erice kaugnay ng P7.2 trilyon na budget sa susunod na taon kung saan P5.69 trilyon din ay mula aniya sa buwis habang ang natitirang P1.69 trilyon ay uutangin.
“Sinasabi ko unrealistic yung sinasabi nilang they able to collect 5.69 trillion revenue next year, kasi nga bagsak ang ating GDP (gross domestic product), average of 2.6 percent ngayon tapos mukhang hindi naman umaangat so how can we collect P5.69 trillion,” ani Erice.
Maliban dito, sinabi ng mambabatas na inaasahan daan-daang bilyon aniya ang mawawala sa tax collection dahil sa panukalang itaas sa P350,000 ang tax exemption sa sahod ng mga manggagawa mula sa kasalukuyang P250,000, pag-alis sa value added tax (VAT) sa system loss charge at travel tax.
“So yun ang question ko kung aabutin, how confident na aabutin yung P5.69 trillion na target na revenue,” ani Erice.
Sinabi ng mambabatas na kung hindi makolekta ang target na buwis, ay walang opsyon ang gobyerno kundi mangutang na karagdagan sa P1.69 trilyon na uutangin sa susunod na taon para mabuo ang P7.2 trilyon na pondo.
Bukod dito, uutang din aniya ang gobyerno ng P1.6 trillion para bayaran aniya ang “maturing loans”
“So, talagang nababaon na sa utang ng ating bansa. Nasa P19 trillion na ang utang ng ating bansa, siguro bago matapos ang taong magiging P23 trillion na ‘yan tapos mangungutang tayo ng P3.3 trillion next year. So, talagang nababaon tayo, malaki ang utang pagkatapos lumiliit naman ang pag-angat ng ekonomiya,” dagdag pa ng mambabatas. (Bernard Taguinod)


