Nakahanda ang Office of the Solicitor General na sagutin ang inihaing petisyon sa Korte Suprema na kumukuwestiyon sa pagpapaliban ng barangay at sangguniang kabataang elections.
Tugon ito ng Malacañang matapos dumulog sa Korte Suprema si election lawyer Atty. Romeo Macalintal at naghain ng petition for certiorari at hirit na mag-isyu ng status quo ante order at temporary restraining order laban sa ipinagpalibang barangay at sangguniang kabataan election.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, wala pang kopya ang Malacañang sa inihaing petisyon ni Macalintal at ano man ang iutos ng Korte Suprema ay tutugunan ng gobyerno.
Sinabi ni Castro na ang mga abogado ng gobyerno ang sasagot sa anumang magiging kautusan ng kataas-taasang hukuman.
Sinabi ni Castro na bagamat extended ang termino ng mga opisyal ng barangay, mas doble o triple ang magiging papel ng mga ito sa paglilingkod sa kanilang komunidad at hindi puwede ang pa-relax-relax lang. (Aileen Taliping)


