Isang Chinese maritime militia vessel at 24 maliliit na bangka na umano’y nangingisda sa karagatan ng Kota Island sa Kalayaan Island Group ang pinaalis ng Philippine Coast Guard (PCG).
Ayon kay PCG spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela, namataan ang Chinese vessel na CMMV 9622 sa tinatayang 1.2 nautical miles hilagang-kanluran ng Kota Island noong Lunes, Setyembre 28.
Nagpakawala umano ito ng 24 sampan o bangka na may tig-dalawang sakay at nakita umanong nangingisda malapit sa isla.
Sinubukan ng limang tauhan ng PCG na sitahin ang mga sasakyang-dagat, ngunit hindi umano tumugon ang Chinese vessel sa radio challenge.
Sa halip, kinilala lamang ng mga sakay ang utos na umalis sa pamamagitan ng hand signals bago umatras ang mothership at lahat ng 24 bangka.
Ayon sa PCG, bahagi ng Municipality of Kalayaan, Palawan ang Kota Island at ilegal umano ang naturang pangingisda ng mga dayuhang sasakyang-dagat.
“Kota Island is an integral part of the Municipality of Kalayaan, Palawan. Fishing by foreign vessels within its territorial sea, without Philippine authority, violates Philippine sovereignty, Philippine fisheries laws, and the United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS),” giit ni Tarriela.
Tiniyak naman ng PCG na patuloy nitong babantayan ang paligid ng Kota Island.
“The PCG will sustain its presence on and around Kota Island, continue to challenge and drive away foreign vessels operating illegally in Philippine waters, and keep disclosing such activities to the Filipino people,” dagdag pa ni Tarriela. (AM)


