Nangatwiran ang Malacañang kung bakit pinatulan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Vice President Sara Duterte nang tawagin niya itong nonsense, fake news, mahilig magsinungaling, at buwaon.
Kasunod ito ng pahayag ni VP Sara na desperado na ang gobyerno kaya pinalutang ang dating aide ni dating House Speaker Lord Allan Velasco para idiin ito sa humihina umanong impeachment case nito.
Sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na paulit-ulit at hindi tumitigil ang bise presidente sa paninira sa Pangulo at sa administrasyon kaya hindi puwedeng basta balewalain ang mga kasinungalingan na nanggagaling sa kanya.
Nais aniyang iparating ng Pangulo sa publiko na hindi dapat basta maniwala sa isang lider na puro paninira ang ginagawa sa gobyerno sa halip na magtrabaho.
Batay sa obserbasyon, ngayon lamang pinatulan ng Presidente ang mga banat ni VP Sara na dati ay tinawanan lamang nito. (Aileen Taliping)


