Patuloy na dayalogo sa mga komunidad at local government units (LGUs) ang kailangan upang maiwasan ang muling pag-usbong ng insurgency sa mga lugar na nakamit na ang stable internal peace and security (SIPS), ayon sa Philippine Army.
Sa panayam sa programang “The Commanders” ng Abante, simulcast sa Bilyonaryo News Channel, sinabi ni 203rd Infantry Brigade Commander Brig. Gen. Melencio Ragudo na kabilang sa mga pangunahing dahilan ng insurgency ang poverty, injustice, disease at ignorance, gayundin ang radicalization.
“Meron sila mga doctrinal efforts na tinatawag natin recovery. Nire-recover nila ang dating mga teritoryo nila or dating lugar na meron silang impluwensya na nakuha na natin,” ani Ragudo.
Dahil dito, mahalaga aniya ang tuloy-tuloy na pakikipag-ugnayan sa LGUs at iba’t ibang sektor ng komunidad, kabilang ang religious groups, mga estudyante, manggagawa at magsasaka.
“Information po and a constant dialogue with the LGU, with the local people, the indigenous people and even all the other sectors of society na present sa isang lugar,” dagdag niya.
Binigyang-diin din ni Ragudo ang kahalagahan ng koordinasyon ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa pagpapatupad ng Executive Order No. 70, na nagtatag ng whole-of-nation approach laban sa insurgency.
“Kung isang government agency po ay kukuha na lang siya ng share niya doon kung ano ang role niya sa EO70, malamang po itong mga tinatawag natin na pagbalik at pag-usbong ulit ng insurgency sa isang locality, hindi na po ito mangyayari,” ani Ragudo.
Panoorin ang buong panayam sa September 29 episode ng “The Commanders” sa Abante at simulcast sa Bilyonaryo News Channel.
Mapapanood ang programa tuwing Lunes hanggang Biyernes, alas-5 ng hapon, sa Free TV Ch. 31, Cignal Ch. 24, Samsung TV Plus, TCL Smart TVs, Blast TV, AmasianTV, Cignal Play at sa YouTube at Facebook accounts ng Abante. (AC)


