Inamin ng aktor na si Patrick Garcia na noong Disyembre 2017 pa niya huling nakita nang personal si Jazz, na anak nila ng dati niyang karelasyon na si Jennylyn Mercado.
Sa vlog ni Ogie Diaz nitong Setyembre 29, napag-usapan ang sitwasyon ni Patrick bilang ama ng lima niyang anak.
Ayon sa aktor, madali niyang nahahati ang oras para sa apat niyang anak sa kasalukuyang asawa dahil magkakasama sila sa isang bahay.
Medyo “challenging” naman umano ang sitwasyon pagdating kay Jazz dahil nasa ibang bahay ito at lugar.
“Nu’ng time na nabi-visit ko siya, medyo challenge ‘yung distance, ‘yung time, ganoon. And for the past since 2018, I haven’t seen Jazz. So, challenging,” ani Patrick.
“The last time I saw Jazz was December 2017. Parang bago mag-Christmas yata ‘yon,” dagdag niya.
Tinanong naman siya ni Ogie kung nagawa ba niyang makipag-ugnayan sa ina ni Jazz para makita ang kanilang anak.
Ayon kay Patrick, ilang beses siyang nag-message kay Jennylyn sa Viber mula 2018 pero hindi umano siya nakakatanggap ng reply.
Aniya, nakikita o “seen” umano noon ang kanyang mga mensahe, bagama’t sa nakalipas na dalawang taon ay hindi na rin umano nasi-“seen” ang mga ito.
Noong 2021 naman, muling nakipag-ugnayan umano sa kanya ang ina ni Jazz at nakausap niya ito sa telepono. Maayos naman daw ang kanilang naging pag-uusap.
Ngunit matapos nito, nag-message umano ang asawa ni Patrick para itanong kung maaari nilang bisitahin si Jazz pero wala na naman daw silang natanggap na tugon.
Ibinahagi rin ni Patrick na noong nag-usap sila sa telepono ni Jennylyn, ipinaalam daw nito sa kanya ang planong ampunin ni Dennis Trillo si Jazz at ipagamit ang kanyang apelyido.
“‘Yung the reason why she called, kasi parang I think bagong engaged lang sila ni… or bagong kasal, I’m not sure. And then, Jen wanted to talk to me because pinapaalam niya sa akin na parang ia-adopt siya [Jazz] ni Dennis, parang gagawing ‘Ho’ ‘yung last name… parang ganu’n.
“Pero wala naman siyang Garcia sa ano, sa birth certificate niya. So, pinapaalam niya sa akin, hindi siya nagpapaalam, pinapaalam ko lang sa’yo na ganito, kumbaga sinasabi lang sa akin,” ani Patrick.
Pumayag naman umano si Patrick pero nagtanong din siya kung maaari pa rin niyang makita at makasama si Jazz.
Oo naman daw ang isinagot sa kanya ni Jennylyn. (IS)


