WebClick Tracer

Panukalang P50K starting salary ng mga guro, empleyado ng DepEd idiniretso kay Speaker Dy

Idiniretso ni ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio kay House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang kanilang panukalang itaas sa P50,000 ang entry-level salaries ng mga guro at empleyado ng Department of Education (DepEd).

Kasama ang mga guro mula sa pribado at pampublikong paaralan, dinala ng mambabatas kay Dy ang petisyon na pirmado umano ng 300,000 ng mga educators para itaas na sa P50,000 ang entry-level salary ng mga ito.

Sa kasalukuyan ay Salary Grade (SG) 11 o P31,705 kada buwan ang entry salary ng Teacher 1 na hindi na umano sapat dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo publiko.

Binigyan din ng kopya ng petisyon ang House committee on appropriations na pinamumunuan ni Nueva Ecija Rep. Mika Suansing para itaas Personnel Economic Relief Allowance (PERA) sa P5,000 mula sa kasalukuyang P2,000.

Ayon kay Tinio, maaari pang ihabol sa 2027 national budget ang dagdag na PERA dahil kabilang ito sa pinondohan. (Bernard Taguinod)