WebClick Tracer

Pagpapasara ng landfill sa Bauan, Batangas nakaapekto sa paghakot ng basura sa iba pang bayan

Naapektuhan ang operasyon ng paghahakot ng basura sa Lipa City matapos ipasara ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang Bauan Solid Waste Management Inc. landfill sa Bauan, Batangas.

Ayon kay Lipa City Mayor Eric Africa, may nakalaan namang pondo ang lungsod para sa paghahakot ng basura, ngunit nagkaproblema sa operasyon dahil pansamantalang hindi magamit ang landfill na nagsisilbing tapunan ng mga nakokolektang basura.

Hindi lamang Lipa ang naapektuhan ng pagsasara dahil ginagamit din umano ng ilang lugar kabilang ang mga bayan ng Bauan, Lobo, Mabini at Laurel ang naturang pasilidad para sa pagtatapon ng basura.

Ayon sa alkalde, gumagawa na ng pansamantalang hakbang ang City Environment and Natural Resources Office o CENRO upang matugunan ang sitwasyon habang nananatiling sarado ang landfill.

Hiniling din ni Africa sa Sangguniang Panlungsod na magsagawa ng hearing upang talakayin kung maaari pang mabuksan ang landfill, habang pinag-aaralan na rin ang paghahanap ng bagong contractor sakaling tuluyan itong ipasara ng DENR.

Samantala, nanawagan ang alkalde sa mga Lipeño na bawasan muna hangga’t maaari ang nalilikhang basura habang naghahanap ng solusyon ang lungsod sa problema sa pagtatapon ng basura. (Ronilo Dagos)