Posibleng bahagi umano ng political strategy ang paulit-ulit na pagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) para mapalakas ang suporta sa grassroots bago ang 2028 elections.
Ito ang sinabi ni Namfrel National Chairperson Lito Averia Jr. sa programang “On Point” ng Bilyonaryo News Channel kaugnay ng pagpapaliban sa BSKE at inilipat sa Nobyembre 2028.
Ayon kay Averia, bagama’t dapat non-partisan ang mga barangay official, may mga grupo o “team” silang kinabibilangan tuwing halalan.
Aniya, maaaring mahirapan ang isang barangay official na makakuha ng suporta kung hindi ito nakahanay sa incumbent local leaders.
“Budget comes also through the LGU,” sabi ni Averia.
Nang tanungin ni Korina Sanchez-Roxas kung posible bang ginagamit ang mga barangay official para bumuo ng political support sa grassroots bago ang 2028 presidential elections, sumang-ayon si Averia.
“Yeah, that’s part of their strategy… of building up their support from the grassroots,” ani Averia.
“So what better way than to do it through the barangay officials and maybe the SK officials,” dagdag niya.
Nang tanungin kung ito rin ang kanyang hinala sa dahilan ng pagpapaliban ng BSKE, sinabi ni Averia na hindi lamang umano ito kanyang personal na suspetsa.
“Not only my suspicion, but that’s what I hear on the ground. It’s a fact. It’s a fact,” aniya.
Panoorin ang buong panayam sa September 28 episode ng “On Point”.
Mapapanood ang programa tuwing Lunes hanggang Biyernes, 7:30 ng gabi sa Free TV: Channel 31, Cignal: Channel 24, Samsung TV Plus, TCL Smart TV, Cignal Play, at sa official YouTube and Facebook accounts ng BNC. (IS)


