WebClick Tracer

Napolcom nabunyag police lapses sa imbestigasyon sa Naga crash

Nabunyag ng National Police Commission (Napolcom) Regional Office 5 ang ilang major procedural lapses at neglect of duty sa imbestigasyon ng pulisya sa aksidenteng ikinasawi ng isang public school teacher noong Setyembre 20.

Lumitaw sa inisyal na balidasyong iniutos ni Napolcom Commissioner Rafael Vicente Calinisan ang umano’y mga pagkukulang sa pangangalap ng ebidensya, dokumentasyon, supervision at maagap na pagsasampa ng kaso.

Kabilang dito ang hindi pagkuha ng mga affidavit mula sa mahahalagang saksi, hindi pagsusumite ng investigation report, sketch at mga larawan sa inquest proceedings, at hindi pagsasagawa ng field sobriety test at alcohol breath test sa driver.

Hindi rin umano naisumite ang available na CCTV footage at hindi agad naihain ang kaso dahil sa mga kakulangan sa dokumentasyon.

Nalaman din ng Napolcom na nailabas ang isang unregistered vehicle nang walang awtorisasyon habang isinasagawa pa ang imbestigasyon. Nadiskubre rin ang umano’y pag-inom ng alak ng ilang tauhan sa loob mismo ng police station.

Dahil dito, isinailalim sa motu proprio administrative investigation si PSSG Jaymar Sierra, ang investigator sa kaso, para sa posibleng Grave Neglect of Duty at Incompetence.

Iniimbestigahan din si Station Commander PCPT Sarah San Buenaventura para sa posibleng Grave Neglect of Duty, habang sasailalim naman sa kaukulang administrative action si Naga City Police Office Acting City Director PCOL Rizaldy Caballero.

“Tamaan na ang tamaan. Wala tayong sasantuhin dito. Pasensyahan tayo. The only way for people to believe in our investigation is by giving them the truth of what really happened,” ani Calinisan.

Tiniyak naman ni Napolcom Region 5 Acting Regional Director Leilani Vecina na mahigpit na susundin sa administrative proceedings ang due process. (AC)