WebClick Tracer

Most wanted sa Cavite timbog sa Parañaque sa kasong panghahalay

Naaresto sa Parañaque City ang isang lalaking kabilang sa Regional Most Wanted Persons ng PRO-4A dahil sa kasong qualified rape na umano’y naganap sa Dasmariñas City, Cavite.

Naaresto ang suspek dakong alas-7:30 ng gabi noong Lunes malapit sa Baclaran Church sa pamamagitan ng intelligence-driven operation ng Regional Intelligence Division 4A, RIT Cavite, Warrant Section ng Dasmariñas City Police Station, 401st AMC at Parañaque City Police Station Sub-Station 1.

Inaresto ang suspek sa bisa ng warrant na inilabas ng Regional Trial Court Branch 129 sa Dasmariñas City, Cavite, na walang inirekomendang piyansa.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, naganap umano ang insidente dakong alas-3 ng madaling araw noong Enero 18, 2026 sa Barangay Paliparan 3, Dasmariñas City, matapos maimbitahan ang biktima sa isang inuman sa bahay ng isa sa mga suspek.

Ayon sa salaysay ng biktima, nakatulog umano siya matapos malasing at nang magising ay nakita niya ang isa sa mga suspek na nagsasagawa ng sexual act sa kanya, habang dalawa pang akusado, kabilang ang naarestong suspek, ay umano’y humahawak sa kanya.

Dinala ang naarestong suspek sa Dasmariñas City Police Station para sa dokumentasyon at custodial processing. (Ronilo Dagos)