Dumadami ang mga gumagamit ng BitTorrent sa Japan na nakakatanggap ng mga notice mula sa korte at abogado para magbayad ng malaking halaga.
Akala kasi nila ay ligtas at libre silang makakapag-download ng mga adult video ngunit nahuhuli na pala sila sa pamamagitan ng kanilang IP addresses.
Isang lalaki sa Tokyo na nasa edad 40 ang gumamit ng file-sharing software para makakuha ng mga video nang walang bayad. Karaniwan siyang nagda-download bago matulog at pinapatay kinabukasan.
Ngunit noong Mayo, nakatanggap daw siya ng sulat mula sa korte na nagsasabing pinahintulutan na nilang ibunyag ang kanyang pangalan, address at telephone number.
Makalipas ang 20 araw, isa pang sulat ang dumating — mula naman sa abogado ng isang video production company — na humihingi ng 500,000 yen (mahigit P198,000) at nagbabanta ng kasong sibil o kriminal kapag hindi nagbayad.
Ayon sa Tokyo District Court, mabilis na dumami ang mga aplikasyon para sa paglalantad ng pagkakakilanlan ng mga user.
Ipinapakita rin ng datos mula sa ministry of communications na 95.6 porsiyento ng mga request mula sa internet service providers noong 2024 ay tungkol sa paglabag sa copyright ng mga adult video.
Ginagamit ng mga kompanya ang peer-to-peer (P2P) system ng BitTorrent. Sa sistemang ito, habang nagda-download ka ng file, awtomatiko mo ring naibabahagi (upload) ang ilang bahagi nito sa ibang gumagamit.
Ibig sabihin, hindi ka lang tumatanggap kundi namimigay ka rin ng copyrighted material nang hindi mo alam.
Dahil sa takot at hiya, nahirapan ang lalaki na sabihin sa kanyang pamilya ang problema at naapektuhan ang kanyang pang-araw-araw na buhay.
Mabuti na lang at lumapit siya sa isang abogado na tumulong para makipag-ayos at bawasan ang hinihinging bayad sa kanya. (IS)


