Itinulak sa Kamara de Representantes ang panukala na magpapalakas sa proteksyong ibinibigay sa mga hayop at magpapabigat sa parusa laban sa mga malulupit sa hayop.
Inihain ng Akbayan bloc ang panukalang Animal Life Advocacy and Guardianship Act o ang ALAGA bill (House Bill 11495) na naglalayong amyendahan ang Animal Welfare Act (Republic Act 8485).
Babaguhin ng HB 11495 ang penalty structure ng batas at gagawin itong graduated scale kung saan tatlong taong pagkakakulong at multang P200,000 ang parusa kapag nagresulta sa pagkamatay ng hayop ang kalupitan; hanggang 18 buwan na pagkakakulong at P80,000 multa kung magreresulta ito sa malubhang pinsala sa hayop; at hanggang isang taon na pagkakakulong at P30,000 multa para sa hindi gaanong malubhang pinsala sa hayop.
Sa kasalukuyan, ang parusa ay pagkakakulong ng anim na buwan hanggang dalawang taon o multang P1,000 hanggang P5,000 o pareho batay sa pagpapasya ng korte.
Papalitan din ng panukala ang Committee on Animal Welfare ng National Commission on Animal Welfare, isang independent at autonomous quasi-judicial agency na may full fiscal autonomy, rule-making authority, licensing at enforcement powers, at mandato na pangasiwaan ang lahat ng pagsisikap sa pagsasampa ng kaso laban sa animal cruelty.
Inaatasan din ng HB 11495 ang mga local government unit na magtalaga ng mga dedicated personnel kasama ang kanilang local government veterinarians, mag-deploy ng mga tauhang may sapat na kakayahan at pagsasanay, at magpatupad ng Trap-Neuter-Vaccinate-Return programs upang makontrol ang populasyon ng mga gumagalang hayop.
Nagpapataw din ang panukala ng mahigpit na public accountability sa mga pound, kabilang ang mandatory spay-neuter bago pakawalan ang mga hayop, mga impoundment record na maaaring ma-access ng publiko, at minimum operating hours na bukas sa publiko.
Sa ilalim ng HB 11495, ipagbabawal ang animal experimentation sa elementary schools at inaatasan ang lahat ng secondary at tertiary institutions na sumunod sa global standards gaya ng internationally recognized 3Rs Principle (Replacement, Reduction, Refinement).
Ipinagbabawal din ng panukala ang lahat ng uri ng dog-meat trading, animal cruelty content, animal fighting, at animal poisoning bilang likas na malupit at mapagsamantalang gawain, at nagtatakda ng mga parusa para sa mga lalabag dito.
Inihain ng Akbayan ang panukalang batas kasama ang Philippine Animal Welfare Society (PAWS).
Ang HB 11495 ay inakda nina Akbayan Representatives Percival Cendaña, Jose Manuel Diokno, Dadah Kiram Ismula, at Dinagat Islands Rep. Kaka Bag-ao. (Billy Begas)


