WebClick Tracer

Kontra baha: Basura palit-pustiso sa Quezon City

Isang kakaibang programa ang ipinatupad sa Barangay Socorro sa Quezon City kung saan ang mga recyclable na basura ay maaaring ipalit sa libreng pustiso.

Sa ulat ni Trisha Villanueva sa programang “FYI” ng Abante, sinabi ni Barangay Captain Teodulo Santos, na ang proyektong “May Ngiti sa Basura” ay nagsimula noong 2024.

Umabot na umano sa humigit-kumulang 600 na residente ang nabigyan ng libreng pustiso hanggang sa kasalukuyan.

Sa halip na itapon sa tambakan ang mga bote, lata, karton at iba pang recyclable na basura, maaari itong ibigay ng mga residente upang makatanggap ng libreng dental assistance.

Layunin ng inisyatibang ito na hikayatin ang mga residente na maging aktibo sa waste segregation at recycling habang natutulungan din ang mga may problema sa kalusugan ng ngipin.

“Isa ‘to sa mga paraan para mapigilan ang pagbaha. ‘Yung maliit na bottles na ‘yan ‘pag nagsama-sama, iyan ang nakakapagbaha dito sa atin,” ani Santos.

Ang programang “FYI” sa DWAR Abante Radyo 1494 ay mapapanood mula Lunes hanggang Biyernes ng 11:00 AM hanggang 12:00 PM.

Mapapanood ito nang live sa DWAR Abante Radyo Facebook page at YouTube, pati na rin sa Cignal Channel 30. (IS)