WebClick Tracer

Klase sa paaralan sa Valenzuela sinuspinde dahil sa banta ng pamamaril

Pansamantalang sinuspinde ang klase sa isang paaralan sa Valenzuela City habang iniimbestigahan ang napaulat na banta ng pamamaril, ayon sa Philippine National Police (PNP) nitong Martes.

Ayon kay PNP Spokesperson Col. Allen Rae Co, nakatanggap ang mga awtoridad ng note na nagbabalang may isang indibidwal na may armas at planong mamaril sa loob ng paaralan na hindi pinangalanan.

Hindi naman aniya malinaw kung estudyante rin ang indibidwal na nag-abot ng note sa isang miyembro ng faculty.

“The note said that a certain person was carrying a gun and planned to shoot and hurt people inside the school. The person who wrote the note also said they might be caught in the incident, among other things,” ani Co sa isang press briefing.

Nakikipag-ugnayan na umano ang pulisya sa school principal, faculty members at iba pang kaukulang indibidwal upang alamin kung tunay na banta ang nakasaad sa note.

Wala umanong nakitang agarang banta ang pulisya kasunod ng isinagawang security inspection sa paligid ng paaralan, habang sinuri rin ng mga awtoridad ang taong tinukoy sa sulat

Umapela ang PNP sa publiko na iwasang gumawa ng mga banta na maaaring makagambala sa klase at mag-aksaya ng resources ng mga awtoridad. (AC)