WebClick Tracer

Kalusugan hindi priority ni PBBM – Leachon

Naniniwala si health reform advocate Dr. Tony Leachon na hindi prayoridad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kalusugan, lalo na’t nananatili umanong mataas ang bahagi ng gastusing direktang binabayaran ng mga pasyente sa kanilang pagpapagamot.

Sa panayam ng programang “The Spokes” ng Bilyonaryo News Channel, sinabi ni Leachon na kailangan ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ng hanggang P800 bilyon hanggang 2028 para mapababa sa 38% ang out-of-pocket expenses ng mga pasyente.

Batay aniya sa presentation ni Dr. Beverly Ho na kanyang napanood, maaaring bumaba mula sa projected na 44% tungo sa 41% o 38% ang out-of-pocket spending kung sapat ang pondong mailalaan sa PhilHealth.

“Para kay President Marcos, dapat P800 billion up to 2028 kahit staggered ‘yun para niya mapababa ‘yung 38% na sinasabi niya,” ani Leachon.

Gayunman, sinabi niyang P74 bilyon lamang ang inilaan ngayong taon sa PhilHealth, na malayo umano sa minimum na P540 bilyon na kailangan.

Ikinumpara din ni Leachon ang Pilipinas sa ibang bansa sa Asia at sinabi niyang kabilang ang bansa sa may pinakamataas na out-of-pocket health spending sa rehiyon.

Nang tanungin kung saan dapat hanapin ang ugat ng problema kung madagdagan man ng P143 bilyon ang pondo ng PhilHealth ngunit 41% pa rin ang gastusing direktang binabayaran ng mga pasyente, binigyang-diin naman ni Leachon na kinakailangang gawing prayoridad ni Marcos.

“Dapat po ang Pangulo ng Pilipinas, prayoridad ang kalusugan. Hindi ‘yan mangyayari lahat. Kung ano ang gusto ng Pangulo, ‘yun ang masusunod. Sa tingin ko, hindi priority ng Pangulo itong kalusugan,” pahayag naman ni Leachon.

Panoorin ang buong panayam kay Leachon sa September 29 episode ng programang “The Spokes”.

Mapapanood ang programa tuwing Lunes hanggang Biyernes sa Free TV: Channel 31, Cignal: Channel 24, Samsung TV Plus, TCL Smart TV, Cignal Play, at sa official YouTube and Facebook pages ng Bilyonaryo News Channel. (AM)