Nilinaw ni Rovelyn Baterbonia, ina ng yumaong Ateneo basketball player na si Rene Baterbonia, ang kontrobersiya sa P30 entrance fee na sinisingil sa mga bumibisita sa memorabilia collection ng kanyang anak.
Ayon kay Rovelyn, ang P30 ay hindi entrance fee sa Baterbonia Collections store, kundi para lamang sa mini museum na naglalaman ng mga memorabilia ni Rene.
“May entrance po na 30 pesos para sa mga mentenance po namin,” paliwanag pa niya.
Libre naman umano ang pagpasok sa mini museum para sa mga residente ng Talacogon, Agusan del Sur, kabilang ang mga residente ng 16 barangay nito.
Habang may bayad umano kapag may kasamang bisita na hindi taga-Talacogon.
Samantala, binigyang-diin din ni Rovelyn na walang entrance fee sa kanilang store.
Nauna rito ay naging usap-usapan sa social media ang P30 fee, kung saan nakatanggap ito ng puna mula sa mga netizen.
Batikos ng ilan, pinagkakakitaan pa umano ni Rovelyn ang mga memorabilia ng kanyang anak, habang may iba namang dumedepensa sa kanya at itinuturing siya na nagluluksang ina. (AM)


