May panahon pa umano ang liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso para baguhin ang parameters ng Local Government Support Fund (LGSF) dahil kung hindi ay mapipilitan umano si Caloocan City Rep. Edgar Erice na dalhin ito sa Korte Suprema.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag dahil nakatakdang isalang sa individual amendments ang House Bill (HB) 10858 o 2027 General Appropriation Bill (GAB) na nagkakahalaga ng P7.2 trilyon bago ito pagtibayin sa ikalawa at ikatlong pagbasa.
“Ang posisyon ko being minority, kung hindi nila babaguhin ang parameters, ng ganyang kalaki, kukuwestiyonin ko sa Supreme Court,” ani Erice ukol sa LGSF na pinondohan ng P58 billion sa 2027 na mas malaki kumpara sa P57 bilyon ngayong 2026 at P27 bilyon noong 2025.
“Infact ang sabi nila (liderato ng Kamara) they are open to amendments to general provisions ng paggasta ng LGSF,” ani Erice kaya umaasa ito na totonahin ito dahil kung hindi ay dadalhin na niya ang usaping ito sa Korte Suprema.
Sinabi ng mambabatas na pinapayagan ng Korte Suprema ang ganitong uri ng pondo subalit para sa isang programa lamang pero sa ilalim ng LGSF, lahat ay pinakialaman at popondohan ng pangulo basta kursunada nito.
“Parang ito isang budget within a budget. (4:59) Bakit? Kasi walang itemizea, walang line item. Ang magdedesisyon kung magkano, kung kanino at kung kailan ibibigay ay presidente, ang executive department,” paliwanag ni Erice.
Puwede aniyang gamitin ang pondong ito para ayuda, bigas, ambulansya, fire track, eskuwelahan, at iba kaya isa aniya itong presidential budget subalit ang kuwestiyonable anya ito ay mga mayayaman na siyudad at probinsya, mga kakampi at niligawang mga local officials ang nakakakuha ng malalaking pondo. (Bernard Taguinod)


